Tinagalog na Bersyon ng Mitolohiya sa Paglalakbay ni Hercules
Nagsimula ang kuwento ni Hercules sa kuwento ng kaniyang ama na si Zeus, ang diyos ng kalawakan. Si Zeus na diyos din ng mga diyos ay mayroong asawang si Hera, na kaniya ring kapatid. Dahil imortal, inakala ni Zeus na maaari niyang makuha ang lahat ng babaeng kaniyang nanaisin. Sa tuwing nababalitaan ni Hera ang pakikipagsiping ni Zeus sa iba’t ibang babae, hindi masukat ang galit nito. Isa sa mga babaeng nagustuhan ni Zeus ay nagngangalang Alcmene, isang mortal. Nagbunga ng kambal ang pakikipagsiping ni Zeus sa tao. Ngunit ang kambal na ito’y hindi magkatulad ng anyo. Ang isa’y iniluwal na kasinlaki nang anim na buwang bata at may kulay pulang buhok, pinangalanan siyang Hercules. Pinaniwalaan ng lahat na si Hercules ay tunay na anak ng isang diyos.
Ang Galit ni Hera
Nang lumaon, nabalitaan ni Hera ang tungkol kay Hercules. At sa paniniwalang anak ito ng kaniyang asawang si Zeus, nagpuyos sa galit si Hera. Sa tulong ng kaniyang kapatid na si Poseidon, binalak niya itong patayin sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga ahas-dagat sa kuwarto ng mga bagong silang na sanggol. Ngunit hindi nila alam na mayroong taglay na kakaibang lakas si Hercules kaya napatay niya ang mga ahas-dagat na ito upang maipagtanggol ang sarili at ang kaniyang kapatid. Nabalian ng ilang tadyang ang kaniyang kapatid dulot ng insidenteng ito ngunit si Hercules ay wala ni isang galos sa katawan.Nanibugho si Hera nang malamang hindi siya nagtagumpay. Muli siyang nagplano ng patibong para sa kamatayan ni Hercules ngunit pinalipas niya muna ang mahabang panahon upang hindi magduda ang kaniyang asawang si Zeus. Nang malaon na’t may sarili nang pamilya si Hercules, pinuntahan siya ni Hera upang lansiin ang kaniyang isip sa pamamagitan ng hipnotismo. At dahil wala sa katinuan bunga ng salamangka ni Hera, napatay ni Hercules ang kaniyang asawa’t mga anak. Nang bumalik ang kaniyang huwisyo’t nakita ang walang buhay na pamilya, tinangka niyang paslangin ang sarili dala ng pagsisisi sa kaniyang nagawa ngunit napigilan siya ng kaibigang si Theseus. Dinala siya nito sa Athens upang litisin ngunit nahatulang walang sala dahil hindi naman niya nalalaman ang detalye ng pagkamatay ng kaniyang pamilya. Sa halip, pinadala siya ng babaylang si Delphi sa tagapag-utos na si Eurytheus, ang hari ng Mycanae.
Ang mga Utos ni Eurytheus
Nang mabalitaan ni Eurytheus ang paglapit sa kaniya ni Hercules, ihinanda na niya ang mga utos para dito. Sa loob ng mahabang panahon, hindi pa rin magawang patawarin ni Hera ang anak ni Zeus na hindi naman nanggaling sa kaniya, kaya kinasabwat ni Hera si Eurytheus na pahirapan si Hercules hanggang sa ito’y mamamatay. Binigyan ni Eurytheus ng labindalawang utos si Hercules at dito nagsimula ang kaniyang paglalakbay sa mapanganib na daigdig.Natapos ni Hercules ang labindalawang utos na ito sa loob ng labindalawang taon. Buo ang loob na tinanggap niya ang mga utos na ito kahit na ang katumbas nito’y panganib para sa kaniyang buhay. Bukod sa mga utos na ito’y nagkaroon din ng iba pang paglalakbay at hamon si Hercules nang makipagkasundo siya kay Haring Augeas. Napagtagumpayan ni Hercules ang hamong ibinigay ng hari ngunit hindi nito tinupad ang kaniyang pangako kay Hercules. Sa galit ni Hercules, muli siyang nagbalik sa kaharian upang tanggalin dito ang kapangyarihan at ipalit sa posisyon ng pagiging hari ang anak nitong lalaki. Kasama si Hercules, ipinagdiwang ng buong kaharian ng Elis ang pagkakaroon ng panibagong hari.
Ang Bagong Asawa ni Hercules
Sa kaniyang paglalakbay, nakahanap si Hercules ng kaniyang magiging bagong asawa, si Deianeira na prinsesa ng Calydon. Lingid sa kaalaman ni Hercules, mayroong masugid na manliligaw ang prinsesa, ang diyos ng mga ilog na si Achelous. Dahil sa pagiging sawi sa pag-ibig, nagkatawang-toro si Achelous upang kalabanin si Hercules sa palakasan ngunit hindi ito nagtagumpay. Sa huli, kasama ni Hercules si Deianeira na umalis sa kaharian ng prinsesa.Habang naglalakbay ang dalawa, naging bihag ni Nessus, isang kalahating-tao’t kalahating-kabayong nilalang, si Deianeira. At dahil nakita ni Hercules ang panganib para sa asawa, agad niya itong iniligtas sa pamamagitan ng pagpana niya kay Nessus. Bago pa man mamatay si Nessus ay binigyan niya si Deianeira ng gayuma mula sa kaniyang dugo. Ayon sa kaniya, makatutulong ito upang hindi na tumingin sa iba pang babae si Hercules, kinuha at itinago naman ito ni Deianeira.
Ang Bagong Pagibig ni Hercules
Ayon sa ibang kuwento, muling nabighani sa ibang babae si Hercules, sa katauhan ni Viola na isang nakabibighaning dilag. Ninais ni Hercules na pakasalan ang dalaga ngunit hindi pinahintulutan ng ama nito. Upang makatakas, napilitan si Hercules na patayin ang ama ni Viola at sabay silang lumayo sa lugar ng dalaga. Nakarating ang balitang ito kay Deianeira at sa takot niyang tuluyang mawala sa kaniya si Hercules ay ginamit niya ang gayumang ibinilin sa kaniya ni Nessus. Ngunit hindi alam ni Deianeira na ang gayumang ito ay susunog sa katawan ni Hercules. Habang naghuhumiyaw sa sakit si Hercules ay kinitil ni Deianeira ang sarili dahil sa labis na pagsisisi. Nang mamamatay si Hercules, sinunog ng kaniyang kaibigang si Philoctetes ang kaniyang labi sa kabundukan ng Oeta. Pinaniniwalaang ang bahagi ng kaluluwa niyang mortal ay napunta kay Hades, at ang kabilang bahaging imortal ay umakyat sa Olympus, ang lugar para sa mga diyos.Mga iba pang maikling kwento:
Mga Komento