Ako'y May Pangarap ni Martin Luther King Jr. sa Tagalog

Ako’y May Pangarap

(I Have a Dream ni Martin Luther King Jr.)

Marting Luther King Jr. speech I have a Dream
Martin Luther King Jr.
Masaya akong makasama kayo sa araw na ito na itatala natin sa kasaysayan bilang pinakadakilang demonstrasiyon tungo sa kalayaan ng ating bayan.

Ilang taon ang nakalilipas, may isang dakilang Amerikano ang lumagda sa isang mapagpalayang proklamasyon. Kung saan ang proklamasiyong ito ay siyang nagbigay ng pag-asa sa milyon-milyong negro na nasa ilalim ng pang-aalipin at pang-aapi. Ito ang naging mitsa ng mahabang panahon ng kanilang pagkakagapos sa inhustiya‘t kawalan ng karapatan.

Ngunit makalipas ang isandaang taon, ang mga negro ay hindi pa rin tuluyang lumalaya. Makalipas ang isandaang taon, ang mga negro ay nasisikil pa rin sa paghahati ng uri at gapos pa rin ng diskriminasyon. Makalipas ang isandaang taon, ang mga negro ay pilit na nabubuhay sa isang isla ng kahirapan sa gitna ng malawak na dagat ng kasaganahan ng iba. Makalipas ang isandaang taon, ang mga Negro ay pilit pa ring iniaangkop ang sarili ngunit paglao‘y malalamang sila‘y dayuhan sa sariling bayan. At naririto tayo upang ipakita ang malungkot na katotohanang iyon.

Ang ating kamalayan ang magiging panubos at kabayaran sa kapital ng ating bayan. At nang ang mga arkitekto ng republika ay nagsimulang magsulat ng mga nakamamanghang salita na bubuo sa Konstitusyon at sa Deklarasiyon ng Kalayaan, na silang lumagda rin ng isang pangakong pagpapamana ng ginhawa sa lahat ng mga Amerikano. Ito ay tanda ng pangako sa lahat, oo, itim man o puti, ay nakasisiguro sa pantay na mga karapatan sa buhay, kalayaan, at paghahanap ng ikaliligaya. At ngayon, nakikita nating bigo ang Amerika sa pangakong ito, sa ngalan ng kulay ng bawat mamamayan ng bansa. Sa halip na gampanan ang obligasiyong ito, binigyan lang ng masamang pagtingin ang mga negro, pagtingin na tanda na umiiral pa rin ang di-pagkakapantay-pantay.

Ngunit ayaw pa rin nating paniwalaan na ang hustiya ay hindi para sa lahat. Ayaw nating paniwalaan na hindi sapat ang oportunidad na kayang ibigay sa atin ng bansang ito. At dahil dito, naririto tayo upang bawiin ang ating kabayaran, ang kabayaran na atin mismong gagamitin upang bilhin ang ating kalayaan at seguridad ng hustisya.

Naririto tayong lahat sa daang ito upang ipaalaala sa dakilang Amerika ngayon higit kailanman na kailangang manindigan. Hindi ito panahon ng magagarbong luho o mga gamot na unti-unting nagpapakalma sa sitwasyon. Ngayon ang tamang panahon na patotohanan ang lahat ng pangako ng demokrasya. Ngayon ang tamang panahon ng pagahon mula sa madilim at magulong lambak ng pagkakahati tungo sa naliliwanagang daan ng hustiya sa bawat lahi. Ngayon ang tamang panahon na iahon ang ating bayan mula sa buhanginang kinatutuntungan ng inhustisya tungo sa matibay na pundasyon ng pakikipagkapatiran. Ngayon ang tamang panahon upang gawing reyalidad ang pangako ng hustisya para sa lahat ng anak ng Diyos.

Magiging panganib ito sa bayan kung hindi agad makikita ang pangangailangan sa pagbabagong ito. Ang nakatutuyong tag-init ng mga negro sa tunay na kakulangan ay hindi magwawakas hangga‘t walang nakapagpapalakas na pagsibol ng kalayaan at pagkakapantay-pantay. Ang taong 1936 ay hindi pagtatapos, kundi isang simula. At sa lahat ng nananalangin na ang isang negro ay kinakailangan pang muli ng malakas na pagsigaw upang maging kontento, nawa‘y matakot ka na sa iyong paggising, lalo‘t may posibilidad na bumalik sa dati ang kalakaran na Amerika. At kung mangyari yaon, tanging pagpapahinga o pagpapakalma lamang ang magiging opsiyon ng Amerika hanggang sa ipagkaloob nito ang karapatang pangmamamayan sa mga negro. Ang bugso ng rebolusiyon ay magpapatuloy hanggang sa magising ang bayan at bumungad ang liwanag ng araw na may dalang hustisya.

Ngunit may nais akong sabihin sa mga nasasakupan ko, na silang mga nakatindig sa tarangkahang patungo sa palasyo ng hustisya‘t kasaganahan: Sa proseso ng pagkamit natin sa dapat sanang tama nating posisyon, hindi tayo dapat humantong sa mga maling gawa. Huwag nating hayaang mapawi ang ating uhaw para sa kalayaan sa pamamagitan ng paginom ng pulos galit at paghihiganti. Sikapin nating kamtin ito dala ang matayog na dignidad at disiplina. Huwag nating hayaang makasakit tayo nang pisikal dahil lamang sa may ipinaglalaban tayo. Muli‘t muli, itaas natin ang pagtatagpo ng pisikal at espirituwal na aspekto ng ating pagkatao.

Ang kagila-gilalas na bagong hukbong nagbubuklod sa mga komunidad ng bawat negro ay di dapat humantong sa kawalan ng tiwala sa lahat ng puting Amerikano, sapagkat marami sa ating puting kapatid, na pinatutunayan ng kanilang presensiya ngayon dito, na ang kanilang tadhana ay kabuhol ng ating tadhana. At ang kanilang kalayaan ay walang dudang nakaugnay sa atin.
The March on Washington for Jobs and Freedom
The March on Washington for Jobs and Freedom

Hindi natin kayang sumulong nang tayo lamang.

At sa ating paghakbang, kailangan nating sumumpa na lagi itong pasulong.

Hindi na tayo maaaring tumalikod at lumakad pabalik.
Marami ang nagtatanong sa mga tagasuporta ng karapatang sibil, Kailan ba kayo makokontento? Hindi tayo maaaring makontento hangga‘t namamayani pa rin sa mga negro ang takot dahil sa brutalidad ng pulisya. Hindi tayo maaaring makontento hangga‘t ang mga pagod nating katawan ay hindi hinahayaang manatili sa mga motel sa daan at mga sikat na hotel na siyudad. Hindi tayo maaaring makontento hangga‘t ang maaari lang nating sakyan ay maliliit na motorsiklo lamang. Hindi tayo makokontento kailanman hangga‘t ang mga anak natin ay nakararanas ng pangmamaliit dahil sa mga karatulang, For Whites Only. Hindi tayo maaaring makontento hanggang ang mga negro sa Mississippi ay hindi pinapayagang makaboto, at ang mga negro sa New York ay hindi naniniwalang wala silang opsiyon kung sino man ang mananalo. Hindi, hindi tayo kontento, at hindi tayo makokontento hangga‘t ang hustisya ay dumaloy nang parang tubig, at ang kabutihan ay umapaw na tila batis.

Alam ko na ang iba sa inyo ay nakaranas ng maraming pagsubok at panghihina. Ang ilan ay kalalaya lamang mula sa masikip na piitan. At ang iba ang ay mula sa iba‘t ibang lugar ng paglalakbay, paglalakbay kung saan hinahanap niyo ang kalayaan sa gitna ng sigwang dulot ng pang-aapi mula sa mga awtoridad. Kayo ay mga beterano na ng masining na pagdurusa. Magpatuloy lamang kayo sa pananalig, ang mga sakripisyo‘y mayroong kapalit. Bumalik kayo sa Mississippi, sa Alabama, sa Timog Carolina, sa Georgia, sa Louisiana, bumalik kayo sa mga pusali at mga sasakyang para lang sa ating lungsod sa timog, dala-dala ang paniniwala na ang lahat ng ito ay magbabago balang araw.

Huwag tayong manatili sa lambak ng kawalan ng pag-asa, mga kapatid.

At kung nararanasan at mararanasan man natin ang lahat ng paghihirap na ito, mayroon pa rin akong pangarap. Pangarap na nakaugat sa matagal na ring pangarap ng buong Amerika.

Mayroon akong pangarap na isang araw ang bayang ito ay babangon at mabubuhay sa tunay na kahulugan ng sinumpaan nito: ―Panghawakan natin at isabuhay ang katotohanang ito, ang lahat ng nilalang ay ginawang pantay-pantay.

Mayroon akong pangarap na isang araw sa mga burol ng Georgia, ang anak ng isang dating alipin at ang anak ng nagmamay-ari ng alipin ay magkasamang uupo at may turingang magkapatid.

Mayroon akong pangarap na isang araw ang estado ng Mississippi, ang estado kung saan nag-aalab ang inhustisya, nag-aalab ang pang-aapi, ay balang araw na magiging batis ng kalayaan at hustisya para sa mamamayan.

Mayroon akong pangarap na ang aking apat na anak ay mabubuhay sa isang bayan na hindi tumitingin at nanghuhusga batay sa kulay ng balat kundi sa taglay nilang pagkatao.

Mayroon akong pangarap ngayon!

Mayroon akong pangarap na isang araw, sa Alabama, sa kamay ng mga mapangmatang puti, kasama ang gobyerno nitong nagsusumigaw ng iba‘t ibang batas at pagkontrol, isang araw sa Alabama ang mga maliliit na negrong lalaki at babae ay magiging kapiling ng maliliit na puting lalaki at babae, at magtuturingan na parang magkakapatid.

Mayroon akong pangarap ngayon!

Mayroon akong pangarap na isang araw ang mga lambak ay magiging matayog, at ang mga burol at kabundukan ay pabababain, ang mga komplikadong lugar ay magiging karaniwan, at ang mga liko-likong daan ay magiging tuwid; at ang kaluwalhatian ng Diyos ay mabubunyag at lahat ng nilalang ay mamamalas ito nang magkakasama.

Ito ang ating pag-asa, at ito ang pananampalatayang aking dadalhin sa pagbabalik ko sa Timog.

Dahil sa pananampalatayang ito, makakaya nating magmina ng mga marmol ng pag-asa sa isang bundok ng kawalan nito. Dahil sa pananampalatayang ito, makakaya nating baguhin ang kawalan ng direksiyon ng ating bayan tungo sa magiliw na saliw ng ating kapatiran. Dahil sa pananampalatayang ito, makakaya nating magsikap nang magkakasama, magdasal nang magkakasama, maghirap nang magkakasama, ang makulong nang magkakasama, ang manindigan para sa kalayaan nang magkakasama, dala ang pag-asa na balang araw, tayo‘y tuluyang makalalaya.

At ito ang araw, ang araw kung saan ang lahat ng anak ng Diyos ay sabay-sabay na aawit nang may ibang pakahulugan:


My country 'tis of thee, sweet land of liberty, of thee I sing.

Land where my fathers died, land of the Pilgrim's pride,

From every mountainside, let freedom ring!

At kung magiging dakilang nasyon man ang Amerika, kailangan itong maging totoo.

Hayaang isigaw ang kalayaan sa matatayog na bulubundukin ng New Hampshire.

Hayaang isigaw mula sa dakilang bundok ng New York.


Hayaang isigaw mula sa papataas na Alleghenies ng Pennsylvania.

Hayaang isigaw mula sa nababalutang-niyebe na batuhan ng Colorado.

Hayaang isigaw ang kalayaan sa kurbadong daan ng California.

Ngunit hindi lang iyon:

Hayaang ding isigaw ang kalayaan mula sa mabatong bulubundukin ng Georgia.

Hayaang isigaw ang kalayaan mula sa nakatunghay na bulubundukin ng Tennessee.

Hayaang isigaw ang kalayaan sa lahat ng burol at bundok mula sa Mississippi.

At mula sa bangin ng lahat ng mga bundok, hayaang isigaw ang kalayaan.
At kung mangyari na ang lahat ng ito, at kung hahayaan nating mag-ingay ang kalayaan, kung hahayaan natin itong mag-ingay sa lahat ng lugar at nayon, mula sa lahat ng estado at siyudad, mapabibilis natin ang araw kung saan lahat ng mga anak ng Diyos, itim at puti, Hudyo man o hindi, Protestante at Katoliko, ay hawak-kamay na aawit ng matandang pananalita ng mga negro:
Free at last! Free at last! Thank God Almighty, we are free at last!

 

Interesting Reads: 

Ang Aking Pagibig

Ang Kuwento ng Batang Suwail

Mga Komento