Pinagmulan at Paraan ng Panggagamot noong Unang Panahon

Ang Klasikal na Panahon ay tumutukoy sa mahabang panahon ng kasaysayan ng pag-unlad ng kultura sa rehiyong Mediterranean, na sumasaklaw sa sinaunang kabihasnan ng Gresya at Roma. Ito ang panahong nasa kasagsagan ng kasaganahan at kaunlaran ang lipunang Greko-Roman at may malawak na impluwensiya sa Katimugang Europa, Hilagang Aprika, at Kanlurang Asya.

Ito ang panahon ng paglalaban, noong una ay sa pagitan ng mga Griyego at Persinao, at sumunod ay sa pagitan ng Atenas at Sparta. Kasabay din naman ito ang politikal at pangkulturang kaunlaran. Sa panahong ito itinayo ang Parthenon, nagsimula ang kilalang trahedyang Griyego sa teatro, at iniluwal ang historyador na si Herodotus, ang manggagamot na si Hippokrates, at ang pilosopong si Socrates. Ito rin ang panahong kung kailan unang nagkaroon ng demokrasya bilang bahagi ng mga repormang pampulitika sa lipunang Griyego noon.

Ang panggagamot noong panahonng sinaunang kabihasnan sa Gresya ay isang kalipunan ng mga paniniwala, kaalaman, at karanasan sa pagpapagaling ng karamdaman. Karamihan sa mga nakuhang kaalaman tungkol sa panggagamot noong klasikong panahon ay batay sa mga arkaeolohikal na patunay mula sa iba't ibang lugar sa Roma—mga instrumento sa panggagamot, mga inalay na gamit sa diyos, tatak na panreseta, at iba pa—at iba pang impormasyong nakuha mula sa iba't ibang akda noon. Karamihan sa mga nakuhang tala na nagpapatunay sa mga ito ay mula sa mga pormal na kasulatang iniuugnay sa Griyegong manggagamot na si Hippocrates (nabuhay noong 460-370 B.C.) at sa Romanong manggagamot na si Galen (129-199/216 A.D.).

Noong mga mas naunang panahon, ang pangngagamot ay sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga engkantasyon, pagtawag sa mga diyos, at paggamit ng mga halamang gamot, agimat, o anting-anting. Ang mga taong nagtitinda ng gamot, mga mamumutol ng halamang ugat, kumadrona, tagapagsanay ng mga atleta noon, at siruhano—mga manggagamot na nang-oopera—ay nakapagbibigay ng lunas o payong medikal sa maysakit. Dahil wala namang sinusunod na mga pormal na kahingian upang maging manggagamot, kahit sino ay maaaring magbigay ng payong panlunas. May ilang patunay mula sa mga nakuhang tala noong panahong ito na ginagawa ng mga manggagamot ang lahat ng paraan upang makilalang mabuti at maitangi ang kanilang panggagamot sa kanilang mga kakompetensiya, upang tangkilikin ng mga mamamayan. Maraming pinagmulan ang kaalaman ng mga Griyego sa panggagamot, kasama na rito ang mgakaalaman mula sa Ehipto at ilang malalapit na bayan sa Silangan, lalo na ang Babylonia.

Ang mga manggagamot ay madalas na maglakbay sa iba't ibang bayan, ngunit wala gaanong patunay na natagpuan kung ito ay upang makapagbigay sila ng libreng medikal na pangangalaga sa mga mamamayan. Halimbawa sa Roma, kung saan ang tradisyonal na panggagamot ng mga Italyano ay nakikipagtagisan sa mga manggagamot na mula sa ibang bansa na karamihan ay mga Griyego. Ang sinoman ay maaaring manggamot, karamihan sa mga ito ay malayang mamamayan (o hindi mga alipin). Ang pagsasanay upang maging manggagamot sa Gresya at Roma ay sa pamamagitan ng pagsisilbi at pag-aaral sa ilalim ng pangangalaga ng isa nang kinikilalang manggagamot, at pagdalo sa mga lektura tungkol sa medisina o pampublikong demonstrasyon tungkol sa anatomiya.

Sa sinaunang Gresya at Roma, si Asklepios ay sinasamba bilang diyos na patron ng panggagamot. Dalawa sa pinakakilalang santuwaryo o banal na pook para sa pagpapagaling ng maysakit ay ang Epidauros at ang isla ng Kos. Naging maraming tagasunod si Asklepios dahil sa dali niyang maabot ng mga tao, sa kabila ng paniniwala sa kaniya bilang anak ng diyos na si Apollo. Angn lahat ng nagpapatingin sa kaniya sa templong itinayo para sa kaniyang pagpapagaling ay sumasailalim sa ritwal ng paglilinis, pag-aayuno, pagdarasal, at pag-aalay. Naniniwala ang kaniyang mga tagasunod na sinoman sa kanilang may karamdaman ay pagpapakitaan ni Asklepios sa kanilang panaginip upang payuhan sila ng lunas sa kanilang karamdaman.

RELATED ARTICLES:

Kahulugan ng Mitolohiya sa Filipino in Tagalog

Salawikain or Filipino Proverb or Sayings

Mga Komento