Kahulugan ng Mitolohiya sa Filipino in Tagalog

Kahulugan ng Mitolohiya

Ang mitolohiya ay bahagi ng mayamang panitikan ng mundo noon pa mang sinaunang panahon. Tulad ng mga alamat at iba pang kuwentong-bayan, ang mga mitolohiya o mito ay naglalarawan sa kultura ng sinaunang panahon na nakasulat sa anyong tuluyan o prosa. Naglalaman ang mga mito ng mga salaysay tungkol sa pamumuhay ng mga karaniwang tao at ang ugnayan ng mga ito sa kanilang kinikilalang mga diyos at diyosa. Nagsasalaysay rin ito ng kuwento ng pinagmulan ng daigdig at ng mga tao.

Mitolohiya

Pinagmulan ng Mitolohiya

Maraming bersiyon ng iba’t ibang mitolohiya ang kinikilala sa buong daigdig. Mayroong mga mito mula sa Hapon, Ehipto, Pilipinas, Mediterranean, at iba pa. Ngunit isa sa pinakatanyag at kinikilalang klasikal na mga kuwento ay mula sa mga mitolohiyang Griyego at Romano ng Mediterranean. 

Isa sa pinakamabisang paraan ng pagsusuri sa isang mitolohiya ay ang pag-alam at pag-unawa sa mga elemento nito. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga elemento, malalaman natin ang mga kaisipang taglay ng isang kuwento at kung paano ito nakaaapekto sa ating sarili, pamilya, pamayanan, lipunan, at daigdig. Naririto ang mahahalagang elemento ng isang mito – ang tauhan, tagpuan, at banghay.

Zeus Tauhan sa Mitolohiya

Mga Tauhan sa Mitolohiya

Sa mga mitolohiya kung saan nagiging tauhan ang mga diyos at diyosa, kumukilos at nag-aasal ang mga ito na gaya lamang ng ordinaryong tao. Ang kanilang damdamin at pag-uugali ay tulad sa mga tao, bagaman nagtataglay sila ng di-pangkaraniwang kapangyarihan. Halimbawa, may mga pamilya rin sila tulad ng mga ordinaryong tao, at nakikihalubilo rin sa kanilang kapuwa. Higit itong mauunawaan kung mapag-aaralan ang angkan ni Zeus mula sa mitolohiyang Griyego.

Sa mitolohiya, masusuri natin ang pisikal na kalagayan ng isang lugar noong unang panahon na maaari nating ihambing sa kasalukuyan. Kalimitan itong di-pangkaraniwang tagpuan, gaya ng langit o ang lugar na ginagalawan ng mga diyos at diyosa na nasa ibang bahagi ng daigdig at hindi mapupuntahan ng mga tao. Ngunit, may mga tagpuan sa mitolohiya na napupuntahan na ngayon ng tao at nagiging atraksiyon at simbolo. Halimbawa nito ang Bundok Olympus sa Gresiya. Gayundin, may mga tagpuan na naging mahalagang konsepto na sa ating paniniwala tulad ng langit at impiyerno. Kung mababatid natin ang kahalagahan ng mga aral sa mitolohiya, sasalamin ito sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran ng daigdig upang mapakinabangan pa ito ng mga susunod na henerasyon.

Tauhan sa Mitolohiya

Kahalagahan ng Mitolohiya

Sa mitolohiya, nakalahad ang pananalig at pagtatanggol ng isang tauhan sa kaniyang bansa o pinagmulan na makikita sa mga pakikipaglaban at pakikipagsapalaran. Ipinapakita rin nito ang kalagayan ng mga tao at pamayanan ng isang bansa na maaaring ihambing sa kasalukuyang kalagayan ng tao at pamayanan. Makikita rin sa banghay ang sinaunang paraan ng paniniwala ng tao na naging malaki ang impluwensiya sa kanilang kasalukuyang paniniwala at pagpapahalaga. Ang banghay sa mitolohiya ay naglalahad din ng mga kasaysayan na maaaring totoong naganap sa isang partikular na lugar.

Ang tatlong elemento ng mitolohiya ay mahalaga sa pagsusuri nito dahil ang mga ito ay kumakatawan sa mga kaisipan na maaaring representasyon din ng sarili, pamilya, pamayanan, lipunan, at daigdig. Sa matamang pagsusuri ng mga mitolohiya, maraming aral ang maaaring matutuhanan at magamit sa kasalukuyang sitwasyon. Higit ding makapagbibigay ng pagpapahalaga sa kasaysayang at kultura ng bansang pinagmulan ang mga kuwentong ito.

RELATED ARTICLE:

Salawikain or Filipino Proverbs and Saying

Mga Komento