Ang Nilalaman ng El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal

Nilalaman ng El Filibusterismo

Labintatlong taon na ang nakalipas mula nang mamatay sina Elias at Sisa, isang umaga ng Disyembre, hirap na naglalakbay ang Bapor Tabo sa pagitan ng Maynila at Laguna. Lulan nito ang iba‟t ibang uri ng tao sa lipunan. Kabilang sa mga pasahero ang mag-aalahas na si Simoun na nasa ibabaw ng kubyerta, gayon din ang magkaibigang sina Isagani at Basilio na noo‟y nasa ilalim ng kubyerta.

Matapos ang paglalayag, pumunta si Basilio sa kagubatan ng San Diego na pag-aari ng mga Ibarra upang bisitahin ang puntod ng namayapang ina. Nakita niya doon si Simoun na hirap na hirap sa paghuhukay malapit sa libingan ng kanyang ina. Sa tagpong iyon, natuklasan niya na si Simoun ay walang iba kung hindi si Ibarra, ang taong tumulong sa kaniya may labintatlong taon na ang nakararaan. Pinaniniwalaan ng lahat na patay na si Ibarra, ngunit nangibambansa pala ito. Nag-ipon ng kayamanan, at bumalik sa kaniyang bayan upang maghiganti.

Sa halip na patayin ni Simoun si Basilio dahil sa pagkakatuklas nito sa kaniyang lihim, hinikayat niya ang binata na makiisa sa kaniyang layuning maghiganti sa Pamahalaang Kastila. Hindi pumayag si Basilio sa alok ng mag-aalahas. Naniniwala siyang hindi sa marahas na paraan siya makapaghihiganti kundi sa pagpapaunlad ng kaalaman ng kabataan sa pamamagitan ng pagtatayo ng Akademya ng Wikang Kastila.

Marami ang tumutol sa balak na ito ng mga mag-aaral, lalo na ang mga paring Kastila. Naniniwala sila na kung matututo ang kabataan ng wikang Kastila, makikipagtalo na ang mga ito sa kanila at hindi na nila ito mapasusunod pa.

Samantala, nakitira si Simoun sa bahay ni Kabesang Tales, na ama ni Juli. Habang natutulog si Simoun, lihim na ipinagpalit ni Kabesang Tales ang agnos ni Juli na regalo ng nobyo niyang si Basilio sa rebolber ni Simoun. Lihim na ikinatuwa ito ng mag-aalahas dahil nakakita siya ng kakampi sa katauhan ni Kabesang Tales.

Nanatili namang masigasig ang mga mag-aaral sa kanilang planong maitatag ang Akademya ng Wikang Kastila. Kasama si Isagani, nagtungo ang mga mag-aaral kay G. Pasta, isang abogado, upang humingi ng tulong pinansiyal. Ngunit sinabihan lamang sila nito na mag-aral na lamang nang mabuti, mangumpisal ng kasalanan, at layuan ang mga usaping may kinalaman sa bayan.

Nagpatuloy naman si Simoun sa paghikayat kay Basilio na sumapi sa kilusang kaniyang binubuo. Sinabi ni Simoun kay Basilio na pangungunahan ng binata ang pangkat na lulusob sa kumbento ng Sta. Clara at magtatakas kay Maria Clara. Sa kasamaang palad, bago pa man simulan ni Simoun ang himagsikan, sumakabilag buhay na si Maria Clara. Nalaman ito ng mag-aalahas mula kay Basilio. Hindi matanggap ni Simoun ang pagkamatay ni Maria Clara at lubos ang kanyang naging pagdadalamhati sa pangyayaring ito.

Tuluyan ngang nabigo ang mga mag-aaral sa planong pagtatayo ng akademya. Sa pangyayaring ito, nagdaos na lamang sila ng isang salusalo upang maibsan ang hinanakit na kanilang dinaramdam. Sa mga talumpating binigkas habang sila‟y masayang nagsisikain, tahasan nilang tinuligsa ang mga prayle at pamahalaang Kastila. Nalaman ito ng mga prayle. Kinabukasan, natagpuan na lamang nila sa pinto ng unibersidad ang mga paskil na naglalaman ng mga babala, pagtutuligsa, at paghihimagsik. Ibinintang sang mga pangyayaring ito sa mga kasapi ng kapisanan ng mga mag-aaral. Dahil dito, ipinadakip sila, kasama si Basilio, bagay na ipinagdamdam nang labis ni Juli na kaniyang kasintahan.

Napalaya ang mga mag-aaral sa tulong ng mga kamag-anak na may malaking impluwensiya sa pamahalaan. Ngunit si Basilio, dahil walang tagapamagitan ay naiwang nakakulong.

Lingid sa kaalaman ni Basilio, humingi ng tulong si Juli kay Padre Camorra upang mapalaya ang nobyo. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, ilang sandal matapos pumasok ni Juli sa tanggapan ni Padre Camorra, natagpuan ang kanyang katawang wala nang buhay mula sa pagkakahulog sa bintana. Nalaman ito ni Basilio. Nang makalaya siya pagkalipas ng dalawang buwan, agad siyang nagtungo kay Simoun upang ipaalam na handa na niyang umanib sa kilusan upang makapaghiganti. Bahagi ng plano ni Simoun na ipakasal si Juanito Pelaez at Paulita Gomez. Isang marangyang kasalan ang idaraos at aanyayahan ang lahat ng kilalang tao sa lipunan. Ipinakita ni Simoun kay Basilio ang isang lampara na ihahandog niya sa kasal nina Juanito at Paulita. Ayon kay Simoun, magbibigay ng liwanag sa pagtitipon ang ilaw ng lampara at pagkaraan ng ilang minuto, manlalabo ito. Kapag itinaas ang mitsa nito, puputok ito at sasabog ang mga granadang itinanim sa palibot ng bahay. Ito ang magiging hudyat ng mangyayaring himagsikan.

Palakad-lakad si Basilio sa harap ng bahay na pagdarausan ng handaan. Nakita niya roon si Isagani na dating katipan ni Paulita Gomez. Binalaan niya itong huwag tumuloy sa handaan ngunit ayaw nitong makinig kaya napilitan siyang ipagtapat ang planong paghihimagsik. Unti-unti nang lumamlam ang liwanag ng lampara ngunit bago pa maitaas ni Padre Irene ang mitsa, mabilis na kinuha ito ni Isagani at patakbong itinapon sa ilog.

Nalaman ng pamahalaang Kastila ang nabigong paghihimagsik ni Simoun at inusig siya ng mga ito. Tumakas siya at nakituloy sa bahay ni Padre Florentino. Nang malapit nang dumating ang mga guardia sibil na darakip sa kaniya, uminom siya ng lason. Ipinagtapat niya ang lahat kay Padre Florentino, ang kaniyang pagkatao, at ang tunay niyang pakay sa kaniyang pagbabalik. Namatay si Simoun matapos niyang mangumpisal.

Itinapon ni Padre Florentino sa dagat ang mga naiwang kayamanan ni Simoun nang sa gayon, kalikasan na lamang ang mag-ingat nito.

Isinulat ni Dr. Jose P. Rizal

RELATED ARTICLES:

Salawikain or Filipino Proverb/ Saying

Pinagmulan at Paraan ng Panggagamot noong Unang Panahon

Kahulugan ng Mitolohiya sa Filipino in Tagalog

Mga Komento